Source:
http://www.gmanews.tv/story/233908/pinoy-abroad/pag-ibig-members-maaari-nang-mag-apply-ng-calamity-loanMANILA – Ipinag-utos ni Vice President Jejomar Binay nitong Huwebes na bigyan prayoridad sa pagproseso ng calamity loan sa The Home Development Mutual Fund (PAG-IBIG Fund), ang mga naging biktima ng bagyong “Pedring."
Ayon kay Alex Aguilar, senior vice president for operations, ang direktiba ay ipinalabas ni Binay bilang chairman din ng Pag-Ibig Fund board.
Sinabi ni Aguilar na inihanda na ng PAG-IBIG ang pondo ipapahiram sa mga miyembro na napinsala ng nakaraang bagyo.
Upang makakuha ng loan, kinakailangan lamang nilang magtungo sa pinakamalapit na branch ng PAG-IBIG at magdala ng I.D. na nagpapakita kung saan siya nakatira.
Dapat ding magdala ng katibayan na kabilang siya sa mga naging biktima o napinsala ni “Pedring."
Dapat din silang mag-fill up ng calamity loan na kanilang isusumite. Kung walang problemang makita sa records, isang araw lamang ay maaari nang makuha ang kanilang loan.
Sinabing hanggang 80 porsiyento ng savings ng miyembro ang maaari nilang mahiram.
“Kung matagal na silang miyembro, malaki-laki ‘yung savings nila. On the average, between P10,000-P15,000 ang kanilang mahihiram," paliwanag ng opisyal.













